Namanhid ang buong katawan ni Vic sa pagkagimbal. Lalo na nang buhatin ng dalawang lalaki ang ‘kabaong’ na kinalalagyan niya at inihulog ito sa hukay. Sa bawat bagsak nang itinatabong lupa sa ibabaw ng ‘kabaong’ ay dagdag sa sindak ni Vic. Ililibing siya ng buhay!…


UMUULAN nang malakas. Nasa harap si Vic nang mababaw lang na puntod malapit sa dalampasigan. Nakita niyang unti-unting gumalaw ang itaas na bahagi ng puntod. Nang tangkain niyang hawiin ang buhanging nasa itaas nito ay bigla na lamang lumusot ang kalansay na kamay at mahigpit na hinawakan ang braso niya.
“Ahhh!” sigaw ni Vic
“Vic, gising! Gising!” yugyog ni Riza sa asawa.
Habol ni Vic ang hininga at halos naliligo siya sa sariling pawis nang gumising. Ngayon ay desidido na siyang pumunta kay Orly dahil alam niya, may ibig ipahiwatig ang madalas niyang napapanaginip.

Kasama ang asawa ay nagbiyahe si Vic patungong Ilocos. Malakas ang aircon ng bus at magaganda ang mga tanawing nadadaanan nila ngunit hindi iyon nakapagbigay ng ginhawa sa kanya.
Hindi nagawang ipikit ni Vic ang mga mata nang makitang matalim ang mga tinging ipinukol sa kanya ng lalaking nakaupo sa kabilang hanay malapit sa pintuan ng bus. Agad na umiwas ng tingin ang lalaki. Lumatay ang kaba sa buo niyang katauhan nang mapansin ang maliit na tattoo sa gitna ng batok ng lalaki.
Hugis-ulo ng kambing!
Meron ding ganoong tattoo si Rowell – ang kaibigan nilang namatay ilang buwan pa lang ang nakararaan. Naisip nga niya na baka miyembro rin ang mga ito ng secret society kung saan ay nabanggit dati ng kaibigan na gusto nitong salihan.
“Hon, bakit ka namumutla?”
“N-naninibago lang siguro ako sa biyahe, Riza.”
Nang muli siyang tumingin sa kinaroroonan ng lalaki ay wala na ito roon. May bago nang naka upong lalaki. Semi-kalbo rin ang gupit kung kaya’t kita ang maliit na tattoo sa bandang bumbunan nito. Katulad din ng tattoo nauna!
Masama na ang kutob ni Vic sa dalawang lalaking kasakay. Kaya di-na siya umidlip pa. Napalagay lang ang loob niya nang bumaba ang dalawa bago pa man marating ang destinasyon nila.
“SAYANG, three days lang ang leave mo sa opisina, Pareng Vic. Mabibitin kami ni Mareng Riza sa kuwentuhan niyan!” tuwang-tuwang salubong sa kanila ng asawa ni Orly.
Foursome sila noong college days na natuloy sa double wedding dalawang buwan pa lang ang nakararaan.
“Ba’t kailangan pang bumalik ka sa islang iyon, Vic?” nagtatakang usisa ni Orly nang magkasarilinan silang magkaibigan.
“Gusto ko lang makita uli ang puntod ni Rowell. May gusto lang akong tiyakin,” sabi niya.
May sariling yate si Orly. Iyon ang ipinahiram niya sa kaibigan. Pinasamahan na rin niya ito kay Mang Nito, ang katiwala niya sa kanyang resort at siyang nagmamaneho ng yate.
“Kailangan ba talagang pumalaot si Vic para gumaling, Orly?” nagtatakang usisa ni Riza.
“Madalas ang sobrang pag-iisip ang sanhi ng grabeng mga sakit,” makahulugang sabi ng doktor. “Bago dumilim ay makakabalik na sila.”
Mahigit dalawang oras bago narating nina Vic ang isang maliit at remote island.
“Tumanda na ako nang ganito pero ngayon ko lang nalamang may isla pala rito,” manghang bulalas ng matanda.
Puting-puti kasi ang dalampasigan at mayayabong ang mga puno.
“Mahilig kaming mag-adventure noon nina Orly. Sa malas, naabutan kami ng bagyo… tumaob ang lumang yate nila at napadpad kami rito.”
“Siguro… dahil sa ganda ng lugar na ito, madalas kayong bumalik rito kasama ng mga tsiks n’yo, ano?” namimilyong wikang matanda.
Hindi na sumagot si Vic. Baka magtaka lang ang katiwala kung sasabihin niyang ngayon pa lang ang pangalawa niyang balik Simula nang mapadpad sila noon sa islang ito.
“Dito lang ho kayo, Mang Nito. May titingnan lang ako.”
Nagtataka ang matanda kung bakit may dala pang pala si Vic at nagmamadaling tinungo ang mga batuhang malapit sa munting gubat.
Sa likod ng batuhang iyon ang mababaw lang na puntod ni Rowell.
Napatda si Vic nang makitang hindi na intact ang puntod. Tila may umahon mularoon. Pinagpawisan siya nang malapot kahit malakas ang ihip ng hangin.
Ilang metro mula roon ay nakita niya ang isang kalansay ng taong nakasandal sa puno ng isang niyog. Suot pa noon ang damit ng kaibigang si Rowell.
Nanlambot ang mga tuhod ni Vic. Gustong tumakas ng kanyang katinuan.
Buhay pa nga si Rowell nang ilibing niya noon!
Tama si Orly sa sapantaha nitong baka hindi pa patay si Rowell noon!
At kung pumayag lang siya noon sa suhestiyon ni Orly na muling hukayin ang ‘bangkay’ at isakay din sa motorboat na dumaan sa islang iyon, marahil nabuhay pa ang kaibigan nila!
Nang makabawi sa kabiglaanan ay tumakbo na pabalik si Vic sa kinaroroonan ni Mang Nito.
“PALAGAY na’ng loob ko. Hindi totoo ang napapanaginipan ko, Orly,” pagsisinungaling niya. “Bukas na bukas din ay uuwi na kami ni Riza ng Maynila. Hindi kaya ng assistant ko ang iniwan kong responsibilidad sa opisina.”
Napapailing lang si Orly. Halatang hindi kumbinsido sa sinasabi ng kaibigan.
SA natuklasan, lalong hindi napakali si Vic. Lahat ng taong pumapasok sa opisina niya ay tinitingnan niyang mabuti at baka ang multo na ni Rowell ang kaharap niya.
Tatlo silang matalik na magkakaibigan noon. Medisina ang kurso ni Orly at pareho namang B.S. Accountancy ang kurso nila ni Rowell. Pare-pareho na silang nagtatrabaho nang ligawan ni Rowell si Riza. Ang dalaga ay solong tagapagmana ng isang accounting firm sa Maynila.
Pero tila naramdaman niyang mas matimbang sa puso ni Riza si Rowell. At iyon ang hindi niya kayang tanggapin kung sakali. Nag-isip siya ng paraan kung paano malalamangan si Rowell.
Nagkaroon siya ng pagkakataon nang tumaob ang yateng sinasakyan nila noon. Nakakapit sila pareho ni Orly sa isang malapad na tabla. Sinaklolohan naman ng huli ang nalulunod na si Rowell.
Lahat ay ginawa na ni Orly upang ma-revive si Rowell ngunit nabigo ito. Agad siyang nag desisyong ilibing na lang ang kaibigan nila. Humadlang si Orly. Baka raw mabubuhay pa si Rowell. Ngunit hindi siya nakinig sa kaibigan.
Katatapos lang niyang ilibing si Rowell nang may dumaang bangkang de motor. Hindi rin siya pumayag sa gusto ni Orly na balikan nila at dalhin na lang ang ‘bangkay’ ni Rowell.
Aniya ay saka na lang nila balikan kung gustong makita ng pamilya at maiuwi ang bangkay sa Mindanao. Ngunit hindi na nagsikap ang pamilyang nag-ampon kay Rowell na kunin pa ang bangkay nito sa isla dahil nga mahirap lang din ang mga ito.
Pero ang totoong motibo ng pagtanggi niya ay ang pangambang baka mabuhay pa si Rowell at tuluyang maagaw nito si Riza sa kanya!
“Sir Vic, gising! Binabangungot kayo!” kabadong sabi ng dyanitor.
Naalimpungatan si Vic.
Nakatulugan pala niya ang pagbabalik-tanaw ng malagim na nakaraang iyon.
Iniligpit naniya ang mga hindi pa napipirmahang papeles at dali-daling lumabas na sa opisinang minana ng asawa sa yumaong ama nito.
Natigil siya sapaglalakad nang maramdamang may sumusunod sa kanya. Luminga-linga siya. Kokonti na lang ang mga sasakyang nakaparada sa basement ng building na iyon. Nagtaka siya kung bakit wala rin pati ang naka-assigned na dalawang guards sa area na iyon.
Akma na siyang sasakay sa kanyang kotse nang may pumalo sa kanyang ulo.
NANG bumalik ang malay ni Vic ay nasa loob na siya ng tila isang kabaong. Madilim, mainit at napakasikip na halos hindi na siya makakagalaw pa.
Nanghilakbot siya.
Hindi siya makasigaw. May busal ang bibig niya at nakagapos pa ang mga paa’t kamay niya.
May naiwang maliit na siwang sa pagitan ng dalawang tablang takip ng ‘kabaong’. Nakikita niya sa labas ang dalawang lalaking naghuhukay.
Sila ang dalawang lalaking kasakay nila noon sa bus patungo kina Orly!
Nakita niyang may binuhat na kalansay ang isang lalaki at isinilid ito sa malaking garbage bag na itim.
“Maipaghihiganti ka na rin namin, Kasanggang Rowell,” anito.
‘Akala ng Vic na ito ay gano’n lang kadaling malusutan ang krimeng ginawa niya!” nakangising wika ng isa pang patuloy sa paghuhukay.
“Ang akala niya, tulad ng pamilya ni Rowell ang grupo natin na madaling papaniwalaing pagkalunod ang ikinamatay ng ating kasapi. Hindi niya akalaing iniespiyahan natin siya nang matuklasan natin ang buong katotohanan,” ang sabi naman ng isa pa.
Namanhid ang buong katawan ni Vic sa pagkagimbal. Lalo na nang buhatin ng dalawang lalaki ang ,’kabaong’ nakinalalagyan niya at inihulog ito sa hukay.
Sa bawat bagsak ng itinatabong lupa sa ibabaw ng ‘kabaong’ ay dagdag sa sindak ni Vic.
Ililibing siya ng buhay!
At doon mismo sa hukay na ginawa niya noon para kay Rowell.
Nakarma siya!
Mararanasan din niya ang nangyari kay Rowell noon. Mas higit pa siguro dahil sa sitwasyon niya, mahihirapan siyang makaahon sa hukay na iyon!
Si Rowell, namatay dahil sa kakulangan ng pagkain.
Siya, mamamatay dahil sa kakulangan ng hangin!
Nakini-kinita na niya ang mangyayari sa kanya. Una, maghahabol siya ng kanyang hininga ilang minuto Simula ngayon. Pagkatapos, unti-unting mawawala ang kanyang kamalayan hanggang sa titigil ang pagtibok ng kanyang puso.
Sumigaw siya ng ubod-lakas. Walang boses na lumabas.
Nangilid ang kanyang luha. Sising-sisi siya sa kasalanang nagawa noon.
At kung papalarin lang sanang makaligtas siya, ang una niyang gagawin ay ang ipagtapat sa lahat ang lihim nakasalanan niyang iyon!
SA pamamagitan ng high tech cellular phone na nasa bulsa ng kanyang coat ay na-locate ng mga pulis ang kinaroroohan ni Vic.
Tinugis naman ng mga coastguard ang bangkang de motor na sinasakyan ng dalawang lalaki. Hindi na nila nahuli ng buhay ang mga ito dahil nang malapit nang masakote ay pinili ng mga ito ang lumundag na lang sa dagat kasama ng kalansay ni Rowell.
Clinically dead’si Vic nang maiahon sa hukay. Sa tulong ni Orly, na-revive siya bago pa man tuluyang mamatay.
Ngunit sa malas, nagkaroon si Vic nang permanenteng brain damage dahil sa sobrang kakulangan ng oxygen sa utak.
Ngayon, para na rin siyang buhay na patay sa sitwasyon niya.
Nakaligtas siya sa usig ng batas, ngunit hindi sa usig ng budhi.
Patunay na anumang kasalanan ay may katumbas na kabayaran.
Wakas

 

0 comments:

Post a Comment







 

Gusto mo ng PINOY JOKES at mga swabeng PAMATAY NA BANAT at FUNNY PICTURES??Banat at Funny Pictures