BUMILIS ang kabog sa dibdib ni Rex nang makababa siya ng jeep. Ewan niya kung bakit, pero bago siya umalis ng bahay buo na ang desisyon niyang makipaghiwalay sa kanyang girlfriend ng isang taon na si Josie. Ngayon nga ay patungo siya sa inuupahang apartment nito upang gawing pormal pakikipaghiwalay rito.
Ibang babae ang dahilan kung bakit makikipaghiwalay si Rex sa nobya. Hindi ang kasintahan niya ang may problema, bagkus ay ang puso niya. Natuto itong magmahal ng iba sa kabila ng katotohanang silapa rin ni Josie. Isang bagong kaopisina ang bumihag ng kanyang damdamin. Noong una ay pinigilan niya ang sarili na ipagpatuloy ang nararamdaman sa babae, dahil na rin sa pagmamahal niya kay Josie at sa pag-iwas niyang magkasala rito. Subalit sa kalaunan, naging mahina siya at nagmahal ng iba. Ngayon nga ay mas pahahalagahan niya ang pagmamahal sa babaing bagong itinitibok ng kanyang puso.

Ni sa hinagap, hindi alam ni Josie na nakabuo na pala si Rex nang malaking desisyong maaaring dumurog sapagkatao niya. Hindi rin batid ng binata kung ano ang magiging reaksyon ng kasintahan sa animo’y bomba niyang pasasabugin sa harap nito. Kung magkakaroon ba ng komprontasyon o magwawala ito at kasusuklaman siya sa sandaling malaman ang dahilan ng kanyang pagpunta roon.
Alam ni Rex na siya ang unang lalaking minahal ni Josie. Ipinagkaloob nito nang buung-buo sa kanya ang puso at kaluluwa upang maging maligaya sila sa kanilang relasyon. Marami na itong binuong pangarap na kasama siya. Natatandaan pa niya ang minsang binanggit nito sa kanya, “Ikaw na ang lalaking gusto kong makasama hanggang sa aking pagtanda.”
Subalit ngayon ay nakatakdang wasakin niya ang lahat ng iyon, ang kanilang mga pangarap…ang puso at kaluluwa ni Josie.
Habang papalapit si Rex sa apartment ng kasintahan ay lalong bumibilis ang tibok ng kanyang puso. Sa palagay niya, hindi niya basta kakayaning ihayag ang damdamin kay Josie nang ganoon na lang. Kailangan niyang pag-isipan kung paanong kahit papaano ay magiging magaan at matatanggap ng dalaga ang gagawin niyang pakikipag-break dito.
Kailangan niyang magkaroon ng sapat na lakas ng loob at nakakita siya ng paraan kung paano niya iyon magagawa. Huminto siya sa isang tindahan. Umorder ng isang beer. Magpapalakas muna siya ng loob sapamamagitan ng alkohol.
Alam kong masasaktan si Josie pero kailangan ko itong gawin para sa kanya at para sa sarili ko. Hindi ko na kayang lokohin pa siya.
Kahit hindi sanay sa pag-inom ng alkohol, sunud-sunod niyang tinungga ang hawak na bote ng beer. Kailangan niyang madaliin ang sarili na maramdaman ang init na dulot ng ispiritu ng alak. Aniya, kapag tumama na ang epekto ng alak sa kanya ay mas lalakas na ang loob niyang makapagsalita sa harap ni Josie.
“Pare, malalim yata ang iniisip mo.”
“Huh?!” nagulat siyang napatingin sa pinanggalingan ng boses. “H-hindi ko kayo kilala, ano ba ang sa atin?” tanong niya sa mamang sa tantiya niya ay nasa early 50s na ang edad.
“Wala naman.. .nakilala kita kaya ako lumapit. Hindi ba ikaw ‘yung boyfriend ni Josie, ‘yung magandang dalaga na nakatira sa may kanto?” sagot-tanong ng lalaki.
“O-oo,” maikli at may pag-aatubili niyang sagot.
“Ang suwerte mo sa kanya, pare,” sabi ng lalaki.
Pinagmasdan ni Rex ang lalaki. Hindi niya talaga ito kilala.
“Ano hong ibig n’yong sabihin?”
“Bukod sa maganda, mabait, at masipag.. .nirerespeto ‘yan ng mga tao rito. Alam mo bang marami ang kumursunada sa iyong kalalakihan dito nang malaman nilang sinagot kana pala ni Josie. Pero nang kausapin sila ni Josie, nanahimik na lang silang lahat,” kuwento ng lalaki.
“T-talaga ho,” tanong ni Rex na nasa mukha ang pagtataka.
“Nakakatawa nga, e. Pero siguro kaya napasunod ni Josie ang mga ‘yon sa pakiusap, malaki kasi ang utang na loob nila sa dalaga. Sa lugar kasi nina Josie ay natulungan niya ang halos lahat ng mga tagaroon,” patuloy ng lalaki.
“Bilib talaga ako sa dalagang iyon. Napakabait na tao. Kahit may mga kapatid na pinag-aaral sa ngayon sa probinsya nila, bukas-palad pa rin sa pagtulong sa kaniyang mga kalugar.”
“Paano n’yo ho nalaman ang mga bagay na ‘yan kay Josie. Hindi n’ya ho ‘yan kinukuwento sa akin?” tanong ni Rex.
“D’yan ka lalong bibilib sa girlfriend mo, hindi n’yan ipinagkakalat ang kusang-loob na pagtulong. Hindi ‘yon katulad ng mga pulitiko na ibinabandera ang mga diumanoy pagtulong sa kapwa.”
“Paalala lang… ‘wag mo sanang sasaktan si Josie. Nakatagpo ka nang walang kaparis na ginto sa lugar na ito.”
Ewan ni Rex kung bakit pakiramdam niya ay nagsisikip ang kanyang dibdib sa mga naririnig na kuwento ng lalaki. Napakasama ba niyang tao para saktan pa ang isang tulad ni Josie na ayon nga sa lalaki ay mistulang walang kaparis na ginto.
Tinungga niyang muli ang nalalabi pang beer sa bote.
“Syanga ho pala Huh?! Nasaan na ‘yon?”
Nakalayo na ang lalaki kay Rex nang muli niya itong masulyapan. Tuluyan itong naglaho sa kanyang paningin nang humalo sa kadiliman ng gabi.
Napabuntung-hininga nang malalim si Rex bago tuluyang lumakad patungo sa apartment ni Josie. Dulot nang pakikipag-usap sa hindi nakikilalang lalaki, pakiramdam niya ay gumulo ang kanyang pag-iisip. Tumimo sa kanyang isipan ang mga sinabi ng lalaki.
Bahala na! Basta makikipagkita ako ngayon kay Josie. Kailangan naming mag-usap. Kailangan na niyang malaman ang aking saloobin.
Nagulat si Josie nang mabungaran ang nobyo sa harap ng kanilang pintuan. Agad niya itong pinapasok.
“Bakit hindi ka man lang nagpasabi na pupunta ka pala rito. Paalis pa naman ako,” tanong nito kay Rex. “Teka.. .parang amoy alak ka… uminom ka ba?”
“Isang bote lang… alam mo naman hindi talaga ako umiinom.”
‘”Yon na nga. Uminom ka. Kakaiba ‘yon sa ‘yo. May problema ka ba?” masuyong hinawakan ni Josie ang kamay ni Rex.
“Wala. Maupo muna tayo,” yaya nito sa dalaga.
“Halika…”
“Teka.. .paalis ka kamo.. .saan ang puntamo?” si Rex.
“Kamatayan ng Tiyo Paolo ko. Naikuwento ko na siya sa iyo minsan. S’ya ‘yung nagpaaral sa akin sa kolehiyo. Teka…”
Tumayo si Josie at may kinuhang photo album.
“Eto siya…,” ani Josie habang papalapit kay Rex hawak-hawak ang nakabukas na photo album. “Ang pogi ng Tiyo Paolo ko ‘no. Super bait ‘yan.”
Hindi nagawang makapagsalita ni Rex nang mapagmasdan ang larawan ng tiyuhin ng kasintahan. Nakaramdam siya nang panlalamig ng buong katawan.
D-diyos ko…! S’ya ang lalaking kausap ko kanina. Hindi ako maaaring magkamali!
Napansin naman agad iyon ni Josie.
“Rex, bakit nanlalamig ka? Namumutla ka pa!” pag-aalala nito sa kasintahan.
“Tubig.. .pahingi munang tubig, Josie.”
Nagdudumaling kumuha ng isang basong tubig si Josie sa kusina at agad na ipinainom iyon kay Rex.
“Nagsikip bigla ang dibdib ko. Marahil ay sa nainom kong beer,” paliwanag ni Rex habang hinihimas pa nito ang bahagi ng dibdib.” Ayoko sanang sabihin sa ‘yo pero napatagay ako habang papunta sa inyo.”
“Hay, naku.. .hindi ka kasi sanay uminom, e,” sita ni Josie sa kanya. “Kaya sa susunod ay tatanggi ka. Puwede naman ‘yon, e.”
“O-oo. Gagawin ko ‘yon,” sabi ni Rex.
Ewan ni Rex kung paanong nangyari na nakalimutan na niya ang orihinal na pakay sa pagpunta sa apartment ng kasintahan. Ang pakikipag-break rito. Namalayan na lang niya na paalis na sila ni Josie upang tumungo sa sementeryo at dalawin ang puntod ng tiyuhin nito.
“Salamat ha, kahit hindi mo nakilala nang personal si Tiyo Paolo, mamaya ay ipakikilala kita sa kanya. Matutuwa tiyak ‘yon dahil alam niyang mabait at mapagmahal ang pinili kong maging nobyo… at balang araw.. .asawa ko. Hi hi.”
Isang maluwang na ngiti ang naging tugon ni Rex sa kasintahan.
At sa harap ng puntod ng tiyuhin ni Josie, tuluyan nang iwinaksi ni Rex ang balak na pakikipaghiwalay sa kasintahan. Taimtim niyang pinagsisihan sa sarili ang mga nagawang pagkakasala sa dalaga.
Salamatpo, Tiyo Paolo. Kailangan n ‘yo pa hong magpakita sa akin para magising ako sa aking kahibangan. Totoo po ang paalala ninyo sa akin…natagpuan ko na nga ang tunay na ginto sa pagkatao ng babaing pakamamahalin ko habambuhay.
Ang Wakas…

 

1 comment:

  1. Pahiram po ng kwentong to e share ko lang po sa iba.. :)

    ReplyDelete


 

Gusto mo ng PINOY JOKES at mga swabeng PAMATAY NA BANAT at FUNNY PICTURES??Banat at Funny Pictures